-- Advertisements --

Nangunguna umano ngayon ang Boston Celtics at Dallas Mavericks sa mga koponang todo ang ginagawang panunuyo para makuha si star point guard Kemba Walker.

Ito’y kahit na paborito pa rin ang kasalukuyan nitong team na Charlotte Hornets bilang destinasyon ng All-Star guard.

Base sa ulat, bagama’t “stealth suitor” ang Boston kay Walker, inilahad na raw ng dalawang teams ang kanilang interes upang maagaw ito mula sa Hornets.

Ito rin daw ang pagkakataon ng Celtics lalo pa’t mistulang wala nang balak si star guard Kyrie Irving na lumagdang muli ng kontrata sa team.

Samantala, sinasabi naman ng mga observers na sakaling magtagumpay ang Mavericks na maangkin si Walker, maaari raw nila itong itambal kay Luka Doncic.

Binabalak din ngayon ng Dallas na mag-alok ng long-term deal kay Kristaps Porzingis.

Maaaring alukin ng Charlotte si Walker ng limang taong max contract na nagkakahalagang mahigit $220 million.

Gayunman, kailangan nilang madaig ang iba pang mga koponan upang mapanatili sa kanila si Walker.