-- Advertisements --

Nanganib ng husto ang Boston Celtics sa laro laban sa NBA worst team na Atlanta Hawks.

Kinailangan pang magdoble kayod ng Boston upang mahabol ang 18-point deficit hanggang sa mamayani sa huli sa iskor na 109-106.

Ito na ang ika-24 na panalo ngayong season ng Boston habang lalong nasadlak sa pangungulelat ang Atlanta na tumikim ng ika-28 pagkatalo.

Naging daan sa panalo ng Celtics (24-8) ang pangunguna nina Jaylen Brown na tumipa ng 24 points at 10 rebounds at Marcus Smart na pumalit sa may sakit na si Kemba Walker na pomoste ng 15 points, nine assists at 3-pointer na nagbigay sa team ng four-point lead sa huling 43 segundo ng game.

Tumulong din naman sa kampanya sina Gordon Hayward na nagpakita ng 18 at si Enes Kanter na nagtapos sa 14 points at 11 rebounds para sa kanilang ikapitong panalo sa huling walong games.

Nauwi naman sa labis na panghihinayang ang Hawks (7-28) lalo na at si Trae Young ay nagtala ng 28 points, 10 assists at limang 3-point shots.