Bumuslo ng 29 points si Jayson Tatum para madispatsa ng Boston Celtics ang Memphis Grizzlies, 122-107.
Dahil sa panalo, nakamit ngayon ng Boston, na inokupahan na ang third seed sa Eastern Conference, ang kanilang ikaapat na sunod na panalo.
Kapwa nagrehistro ng 19 points sina Gordon Hayward at Kemba Walker para sa Celtics.
Ayon kay Coach Brad Stevens, maganda raw ang usad ng kanilang koponan.
“Hopefully we can just keep getting better,” wika ni Stevens. “The way the ball has been moving has been good. The way guys are covering for one another. But we know that we’ve got less than a week before we open a playoff series. So all of it better be getting good.”
Nagtapos na may 26 points at 13 assists si Ja Morant para sa Memphis, na namemeligrong hindi makausad sa postseason.
Tutungo sa kanilang final seeding game ang Memphis kontra sa Milwaukee sa Biyernes upang makadagit ng puwesto sa play-in game.
Ang koponan kasing magtatapos sa ikasiyam na puwesto ay kinakailangang talunin nang dalawang beses ang team na nasa ikawalong puwesto.
Pinangunahan ni Tatum ang opensiba ng Celtics kung saan nagpasok ito ng 17 points sa loob lamang ng 15 minuto ng aksyon sa first half.
Tabla sa 13 sa first quarter, naghulog ng 33-11 bomba ang Boston at umabot pa sa 22 ang kanilang abanse noong ikalawang yugto.