Patuloy ngayon ang mga diskusyon sa pagitan ng Boston Celtics at Toronto Raptors sa kung kanila rin bang ibo-boycott ang pagsisimula ng kanilang semifinal showdown bukas, araw ng Biyernes.
Kasunod pa rin ito ng pagpapakita ng protesta ng mga NBA players sa nangyayaring pamamaril ng mga pulis sa Kenosha, Wisconsin sa Black American na si Jacob Blake.
Dahil dito, napilitan ang NBA na ipagpaliban muna ang lahat ng mga playoff games ngayong araw makaraang magpasya ang Milwaukee Bucks na hindi muna maglaro sa Game 5 ng kanilang serye ng Orlando Magic.
Ayon kay Raptors coach Nick Nurse, dismayado raw ang kanilang mga players dahil sa insidenteng nangyari ulit matapos lamang ang ilang buwan.
Partikular na tinukoy ni Nurse ang brutal na pagpatay sa isa pang Black American na si George Floyd na ginawa rin ng mga pulis.
Paglalahad pa ng coach, ang pag-boycott sa laro ay paraan daw upang ipakita ang kanilang pag-apela ng karagdagang aksyon hinggil sa isyu.
Kaugnay nito, nagsagawa raw ng pulong ang mga manlalaro mula Celtics at Raptors para talakayin ang nilulutong boycott at iba pang mga isyu.
Pero ang NBA mismo ay nagpatawag umano ng meeting sa lahat ng mga players at coach sa loob ng bubble sa Walt Disney World Resort para pag-usapan kung papaano na ang magiging takbo kinabukasan.
Batay sa mga impormante, patuloy din ang mga diskusyon tungkol sa posibilidad na pagkansela sa mga laro sa susunod na araw.