-- Advertisements --

ATLANTA – Tumikim ng dalawang magkasunod na pagtalo ang Boston Celtics makaraang hindi rin umubra sa Atlanta Hawks, 116-123.

Kahapon ay tinalo rin sila ng defending champions na Cleveland Cavaliers upang mawala sa kanila ang top spot sa Eastern Confrerence.

Sa kabila nito, tiyak naman na pasok na sa playoffs ang Celtics.

Nanguna sa panalo ng Hawks sina Paul Millsap na may 26 points at Tim Hardaway Jr. na nagdagdag ng 23 points para tuldukan din ang kanilang dalawang sunod na talo.

Sa huling 11 laban ay natalo sila ng siyam.

Sa panig naman ng Celtics nasayang ang diskarte nina Isaiah Thomas na nagtala ng 35 points, Jae Crowder na may 24 at si Marcus Smart na tumulong sa 18.

Ang inabot na kamalasan ng Celtics (50-29) ay dahil sa lima na ang kanilang talo sa huli nilang pitong laro.

Sa ngayon abanse ang Cavs ng 1 1/2 games sa Boston.

Samantalang nakapuwesto sa ika-lima sa East ang Hawks (40-38) pero humahabol sa likuran nito ang Bucks, Bulls, Pacers at Heat.