WASHINGTON – Tinambakan ng 27 points ng Washington Wizards ang Boston Celtics sa Game 3 ng NBA semifinals, 116-89, upang ilapit ang serye sa 2-1 sa best-of-seven series sa Eastern Conference.
Nanguna sa opensa ng Wizards si John Wall na may kabuuang 24 points, 8 assists at 3 steals.
Habang nalimitahan naman ang puntos ng star player na si Isaiah Thomas na meron lamang 13 points.
Dinepensahan kasi siya ng husto at hindi rin hinayaan ng Wizards na mawala pa sa kanila ang kalamangan mula sa first half.
Kung maalala sa Game 2 ay umabot sa 53 points ang nagawa ni Thomas sa kabila na ito ay nagluluksa sa pagkamatay ng kanyang kapatid na babae.
Naging agaw naman ng atensiyon ang matensiyon na laro dahil sa pisikalan na banggaan ng magkaribal na players.
Umabot sa walong technical fouls ang naipataw ng mga referee na kinapalooban din ng tatlong mga players ang na-eject sa game.
Kabilang sa napatawan ng technical fouls ay sina Boston coach Brad Stevens at Wizards coach Scott Brooks.
Sa fourth-quarter naman ay napalayas sa court ang mga reserves na sina Terry Rozier at Brandon Jennings.
Si Kelly Oubre Jr. ng Washington at Kelly Olynyk ng Boston ay nagkainitan din dahil sa hard offensive foul.
Ang Celtics center na si Al Horford ang nanguna sa team na may 16 points habang si Avery Bradley ay nagpakita lamang ng pitong puntos.
Magiging krusyal naman ang Game 4 sa Lunes na gagawin pa rin sa homecourt ng Wizards.