Tinuldukan na rin ng New York Knicks ang pamamayagpag ng Cleveland Cavaliers nang ipatikim ang unang talo, 95-86. Una rito, lumakas pa ang loob ng Cavs nang iposte ang tatlong magkakasunod na panalo. Pero sa pagkakataong ito hindi na umubra ang swerte ng Cavaliers nang itumba ito ng Kings sa pangunguna ni Julius Randle na bumida sa kanyang triple double performance gamit ang 28 points, 12 rebounds at 11 assists. Sa panig naman ng Cavs si Andre Drummund ay nagtapos sa 18 points at 17 rebounds. Hawak na ngayon ng Knicks ang kartada na 2-2.
Sa ibang games naman, binitbit ni Stephen Curry ang Golden State Warriors sa pamamagitan ng kanyang all-around game na 31 points, 5 rebounds at 6 assists para pigilan ang Detroit Pistons, 116-106. Ito na ang ikaapat na talo ng Pistons at wala pang panalo sa pagsisimula ng bagong NBA season. Ang Warriors naman ay meron ng 2-2 record.
Sa kabilang dako, hindi rin naman nagpahuli ang Boston Celtics at nagawang rendahan ang pag-arangkada sana ng Indiana Pacers, 116-111.
Pinahiya ng Celtics (2-2) ang Pacers sa kanilang unang talo sa apat na games.
Nahabol kasi ng Boston ang Pacers mula sa kanilang pagkakalugmok sa 17 points deficit sa third quarter. Muling dumiskarte si Jayson Tatum sa double-double figure na may 27 points at 11 rebounds.
Samantala, ang dating NBA champions noong 2019 ay minamalas pa rin nang hindi umubra sa Philadelphia 76ers, 93-100. Ito na ang ikatlong talo ng Raptors.
Namayani ng husto si Joel Embiid na may 29 points at 16 rebounds para sa ikatlong panalo ng Sixers. Una rito, kinabahan pa ang team nang sa third quarter ay magkaroon ng injury si Embiid kung saan iniinda ang kanang paa.
Gayunman pagsapit ng fourth quarter ay nakabalik si Embiid upang pangunahan ang muling pagbangon ng koponan. Agad na pinapurihan ng bagong coach na si Doc Rivers ang pagdomina ni Embiid sa game. Para naman sa Raptors, mistulang hindi pa rin sila nakakahanap ng magandang diskarte sa kabila ng 24 points na ipinakita ni Kyle Lowry.