CAUAYAN CITY Nagsagawa ng Paglilinis ang Cauayan City Environment and Natural Resources Office sa kalunsurang ngayong araw bilang pakikibahagi sa World Earth Day.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni City Environment and Natural Resources Officer Eng’r. Alejo Lamsen na matapos ang pagdiriwang ng semana santa ay marami ring naiwang mga basura sa kalunsuran pangunahin na sa Cagayan River.
Dahil dito ay nagsagawa sila ng cleaned up drive sa paligid ng Cagayan River na nasasakupan ng mga barangay Alicaocao at Carabatan Chica na pangunahing dinayo noong semana santa.
Ito ay upang hindi na umano mapunta sa mga ilog ang mga naiwang plastic at mga basura na maaaring kainin ng mga isda.
Ilang sako rin ng basura ang nahakot ng CENRO matapos ang kanilang paglilinis sa kalunsuran at Cagayan River.
Hinimok ni Eng’r. Lamsen ang publiko na magtanim ng mga punongkahoy at iwasang magsunog ng basura upang makatulong na maibsan ang patuloy na umiinit na panahon.