-- Advertisements --

Bumuo na ang Police Regional Office-3 (Central Luzon) ng isang Special Investigation Task Group (SITG) para manguna sa imbestigasyon sa nangyaring pananambang kahapon kay Association of Barangay Captains (ABC) President Ramilito Capistrano.

Si Capistrano at kanyang driver na kinilalang si Shedrick Suarez ay napatay matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang gunman habang binabaybay ng kanilang sasakyan ang isang service road sa lungsod ng Malolos.

Agad iniutos ni PR03 Regional Director PBGen. Redrico Maranan ang pagbuo sa naturang task force upang mag-imbestiga sa naturang pananambang.

Ayon kay Maranan, kailangang alamin ng SITG ang lahat ng anggulo ukol sa nangyaring pananambang.

Kailangan din aniyang matukoy agad ang motibo sa naturang krimen at matukoy na ang pagkakakilanlan ng suspek.

Kasabay nito ay hinikayat ni Gen. Maranan ang publiko na makipagtulungan sa pulisya. Nakahanda aniya ang PNP na magbigay ng proteksyon sa sinumang lalabas at magbibigay ng akmang impormasyon para sa ikatutukoy ng gunman.

Maliban sa pagiging pulitiko, si Capistrano ay isa ring negosyante sa ilalim ng trucking services.