-- Advertisements --

CEBU CITY – Itinanghal ang Central Visayas bilang overall champion para sa Dancesport matapos humakot ng gintong medalya sa ginanap na kompetisyon kahapon sa isang mall sa North Reclamation area nitong lungsod ng Cebu.

Ang rehiyon ay nakakuha ng 9 na gintong medalya 7 ang silver medal, at 2 ang bronze medal.

Sa 9 na ginto, 6 dito ay nasungkit nina Mitchloni Dinauanao at Francis Dave Sombal ng University of Cebu para sa Junior Latin habang ang 3 ay nasungkit nina Danieca Mae Ansay at Nash Daniel Placencia para sa Juvenile Latin Single Dance Jive at Juvenile Latin Single Dance Rumba at Hadelle NiƱa Hernandez at Rhyss Rhafael Fajardo para sa Junior Standard Single Dance Quickstep.

Nakakuha rin sina Ansay at Placencia ng dalawang silver sa samba at cha cha cha at dalawang bronze sa paso doble at 5-dance.

Ang dancesport nga ay sinali na bilang regular sport sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng Palaro.

Masaya naman sina Dinauanao at Sombal sa resulta dahil napanatili nila ang dati nilang record sa Palarong Pambansa noong nakaraang taon, na isang demo sports pa lamang.

Gayunpaman, hindi pa rin umano inaasahan ng mga ito na makasungkit ng gintong medalya ngayong taon dahil mayroon ding ilang malalakas na katunggali mula sa ibang mga rehiyon.

Sa naging mensahe naman ni Philippine Sports Commissioner Eduard Hayco, ipinagmamalaki nito ang mga napanalunang medalya ng Cebu City sa larangan ng dancesport partikular sa mga nakalipas na edisyon ng Batang Pinoy.

Binigyang-diin din ni Hayco na mahalaga umanong ibahagi din ang galing nito sa ibang kalaro upang magkaroon ng magandang kompetisyon.