Iginiit ng Commission on Elections-7 na nananati pa ring “vote rich region” ang Central Visayas sa kabila ng paghiwalay ng lalawigan ng Negros Oriental at Siquijor.
Inihayag ni Regional Election Director Atty. Francisco Pobe, na kahit ang Bohol at Cebu na lamang ang natitirang lalawigang sakop ng rehiyon ay mataas naman umano ang voting population dito.
Gayunpaman, ito naman aniya ang pinakamaliit na rehiyon dahil binubuo na lamang ng dalawang lalawigan.
Ibinunyag pa ni Pobe na simula pa noong Hulyo 1, inihihiwalay na ang record ng Central file at inililipat na sa opisinang nakabase sa lungsod ng Dumaguete ang mga record para sa probinsya ng Negros Oriental at Siquijor.
Samantala, inaasahan naman nitong dadagsa ang mga maghahain ng kanilang certificates of candidacy (COC) kapag malapit na ang deadline.
Aniya, mayroon na umano silang contingency plan at kinakailangang sistema kung paano haharapin at i-accommodate ang pagdami ng mga aspirants kung saan nakipag-ugnayan na sila sa pulisya at local government unit para sa mga rescue team na tumulong sa seguridad at crowd control.