Bukod sa pagtaas ng mga bagong kaso ng COVID-19, isa rin sa mahigpit na binabantayan ngayon ng Department of Health (DOH) sa Central Visayas ay ang critical care utilization rate (CCUR) ng rehiyon na unti-unti na ring umaakyat ang bilang.
Sa huling tala ng DOH, as of June 21, nasa 58-percent na ng mga kama sa 1,533 na ospital sa Region 7 ang okupado. Mula naman sa 110 ICU beds, 56-percent ang may pasyente, at 37-percent ng mechanical ventilators ng rehiyon ang ginagamit.
Ang critical care utilization rate ay ang porsyento ng mga pasilidad para sa COVID-19 patients na nasa kritikal na lagay, na occupied o ginagamit sa kasalukuyan.
Ang Cebu na isa sa may pinaka-maraming kaso ng COVID-19 sa bansa ay may 37.1 occupancy rate sa mga hospital beds. Wala pang okupado sa kanilang ICU beds pero 12.5-percent ng mechanical ventilators na ang ginagamit.
Sa Cebu City naman, na sentro ng mataas na COVID-19 cases sa Central Visayas, nasa 85.3-percent na ng hospitals beds ang may naka-admit na pasyente.
Ang ICU beds na okupado naman ng lungsod ay nasa 60.3-percent, habang 36-percent ang mga ginagamit na mechanical ventilators.
“Kaya sila napunta sa ECQ nung huli diba, because their critical care utilization rate is already in that warning zone and we have to ensure na talagang hindi mao-overwhelmed ang sistema,” ani Usec. Maria Rosario Vergeire.
Ayon sa DOH, sa 70-percent nagsisimula ang kritikal na porsyento ng CCUR.
Dahil sa mga datos na ito, itinuturing na nasa “warning zone” ang critical care utilization rate ng Central Visayas. Ang CCUR ng buong bansa ngayon ay 35-percent.