Hinimok ni Speaker Lord Allan Velasco ang National Task Force Against COVID-19 na bumuo ng isang centralized database at monitoring system kasabay nang ginagawang paghahanda para sa rollout ng COVID-19 vaccines ngayong taon.
Ginawa ito ni Velasco sa kanilang pulong nina Health Sec. Francisco Duque III at vaccine czar Carlito Galvez Jr. ngayong araw para talakayin at alamin kung sa anong paraan pa makakatulong ang Kongreso sa Ehekutibo pagdating sa vaccination program ng pamahalaan.
Sinabi ni Velasco na kailangan na magkaroon ng centralized database at monitoring system upang a gayon maiwasan ang duplications at iba pang problema sa logistics.
Hinimok din nito ang task force na magpatupad ng “passport” system na siyang magsisilbing katibayan ng mga Pilipino na sila ay nabakunahan na kontra COVID-19 vaccines.
Sa kanilang pulong, kasama ang iba pang opisyal ng Kamara, inilatag nina Duque at Galvez ang kanilang planong simulation ng vaccine rollout, pati na rin ang paghahandang ginagawa sa local level.
Samantala, ipinagbigay alam naman ni Velasco sa dalawang kalihim na naihain na niya ang House Bill 8648 o ang proposed Emergency Vaccine Procurement Act of 2021, na naglalayong pabilisin ang pagbili at administration ng COVID-19 vaccines ng mga local government units sa pamamagitan nang pagpayag sa mga ito na direktang bumili sa mga manufacturers na hindi na kailangan pang dumaan sa mahabang proseso ng public bidding.