DAVAO CITY – Itinanggi nang inaresto na chief executive officer (CEO) ng Titan 29 Marketing na hawak niya ang P500 milyong na pera mula sa mga investors bago ito tumakas.
Nabatid na agad na pumunta sa National Bureau of Investigation (NBI) Tagum ang mga investors ng Titan 29 matapos na dinala sa nasabing tanggapan ang nahuling si Ryan Maunes na tumakas at nagtago sa Barubo, Surigao del Sur makaraang magsara ang kanilang kompaniya dahil sa isinagawang crackdown ng otoridad laban sa mga investment schemes sa Davao del Norte.
Ayon kay Maunes, wala siyang dalang pera ng mga investors dahil hindi niya ito kontrolado at kinuha lamang umano siya bilang CEO ng kompaniya.
Dagdag pa ng suspek, isa umanong Rizalino “RL” Sabosido ang siyang utak sa nasabing negosyo at may hawak sa pera ng mga investors.
Samantalang sinabi naman ni Juhary Guro, special investigator ng NBI-Tagum na maliban kay Maunes sasampahan din nila ng syndicated estafa ang apat na iba pang mga kasamahan nito na kasalukuyang at large.