-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Pinaghahanap na ng mga miyembro ng investment scheme na RD Flex Trading and ASIA Business Corporation na nakabase sa Barangay Poblacion ng Bayugan City sa Agusan del Sur ang kanilang Chief Executive Officer (CEO).

Ito’y matapos pinaghihinalaang tumakas ito bitbit ang milyon-milyong pisong investment ng kanilang mga miyembro habang nasa Maynila.

Ayon kay Rommel Montecalvo, kapitan ng Barangay Mt. Olive sa Bayugan City, dinala ng suspek na si Ryan Flores ang ilan sa kanilang mga miyembro sa Maynila ngunit bigla na lang silang iniwan nito at hindi na nagpapakita pa.

Dagdag pa ni Kapitan Montecalvo, noong iniutos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapasara sa mga naglilipanang investment schemes, kanya nang sinabihan si Flores na isauli na ang perang na-invest ng kanyang mga miyembro ngunit marami itong alibi.

Dahil hindi na nila ma-locate pa si Flores, dumulog na sila kasama ang iba pang mga opisyal ng nasabing investment group sa Public Attorney’s Office para sa gagawing legal na aksyon laban sa responsable.