Nasita ni Senate Committee on Public Services Chairman Senador Raffy Tulfo ang CEO ng isang ride-hailing services na si George Royeca dahil sa isang hindi makatarungang pagtanggal sa mga non-professional riders sa Angkas platfrom.
Pinuna niTulfo ang platform ng moto-taxi dahil sa biglaang pag-alis nang humigit-kumulang 100 non-professional riders noong katapusan ng Disyembre 2024.
Sinabi ng senador na ang mga rider na ito ay pinangakuan ng tulong na maging professional rider status. Gayunpaman, kasunod ng isang pagdinig noong Disyembre 2024 na kinasasangkutan ng lahat ng kumpanya ng transport network, kung saan ang Angkas ay pinagsabihan sa pag-onboard ng mga non-professional riders, ang mga kasalukuyang non-professional riders ay biglang na-deactivate at ganap na inalis sa platform nang walang due process.
“Hindi ninyo sila tinulungan hanggang sa masibak dahil nga hindi naging professional ang kanilang non-pro na lisensya,” ani Tulfo.
Binigyang-diin ng mambabatas na dapat ay tinulungan ng kumpanya ang mga riders na ito sa kanilang akreditasyon bilang professional riders.
“Sabi mo since March nakatanggap ka ng show cause order kasi nga nalaman ng LTFRB na nagdadrive ang ilan sa drivers ninyo na ang hawak ay non pro. That’s nine months we’re talking about. Noong December nag-hearing tayo, after that hearing na naungkat dito ang issue, sinibak ninyo ang isang daan riders ninyo. Since March nang makatanggap kayo ng show cause order, bakit di kayo gumawa ng paraan para ‘yung mga tinanggap ninyo na non-pro ay maconvert yung kanilang non-prof to professional,” saad ni Tulfo.
Kinumpirma ni Royeca na pinahintulutan nila ang mga non-professional driver na ma-onboard na may layuning gamitin ang fleet na ito para sa delivery habang sila ay sumasailalim sa dalawang buwang pagsasanay at assessment upang maging ganap na professional license holders.
Aminado si Royeca na nagkaroon ng clerical mistake sa platform dahil bago pa lamang ang programa. Matapos ayusing ang kanilang database, ibinahagi ni Royeca na nakipag-partner sila sa LTO para sa isang full partnership upang matupad ang kanilang pangako sa mga rider na gawin silang professional license holders.