-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Pinangunahan ng “Baguio boy” at first Cordilleran chief PNP na si General Camilo Cascolan ang pagsunog sa 165 kilos ng marijuana plants at marijuana bricks sa isinagawang ceremonial burning sa Camp Major Bado Dangwa, La Trinidad, Benguet.

Ito ang kanyang kauna-unahang pagbisita sa rehiyon ng Cordillera.

Nagkakahalaga ang mga sinunog na kontrabando ng P20-million at naggaling ang mga ito sa mga interdiction at eradication operations ng mga operatiba ng Cordillera police at PDEA-Cordillera.

Pormal ding tinanggap ni PNP chief Cascolan ang pagsuko ng mag-asawang tinaguriang militia ng bayan ng komiteng larangang gerilya south Ilocos Sur ng Ilocos-Cordillera Regional Committee ng CPP-NPA, kung saan kasama nilang sumuko ang kanilang walong buwang gulang na anak.

Isinuko rin nina alyas Michael at si GM o Gian ang dalawang granada, isang M1 garand rifle at mga bala nito.

Pinangunahan pa nito ang panunumpa ng mag-asawa sa kanilang pagsuko at pagtalikod sa komunistang grupo.

Ininspeksiyon din ni chief PNP ang mahigit 70 na mga matataas na kalibre ng baril at armas ng mga sumukong mga rebelde na kinabibilangan ng mga mortar, machine gun at iba pa.

Kaninang umaga ay pinangunahan din ni Gen. Cascolan ang pag-turnover sa bagong patrol vehicle at karagdagang mga armas at cheque na nagkakahalaga ng P7.2-million para sa pagbili ng communication equipment ng Baguio City Police at ang pamamahagi ng mga food packs sa slaughter compound sa City of Pines.