-- Advertisements --

Posibleng suspendihin o bawiin ng pamahalaan ang certificate ng Cebu Pacific para makapag-operate kasunod ng kanselasyon ng mahigit 100 flight simula noong Abril 28 hanggang Mayo 10.

Sa isang panayam, sinabi ni Civil Aeronautics Board (CAB) chief legal officer Wyrlou Samodio na isa sa mga penalties na maaring kaharapin ng Cebu Pacific ay ang suspension o revocation ng kanilang certificate of public convenience and necessity.

Ito ay dipende pa rin aniya sa magiging resulta ng kanilang ginagawang imbestigasyon sa nasabing usapin na nakaapekto sa maraming bilang ng mga pasahero.

Bukod dito, sinabi ni Samodio na nakasaad din sa charter ng CAB sa ilalim ng RA 776 ang pagpataw ng monetary penalty sa mga airline companies na makitaan ng mga paglabag.

Sa ngayon, ayon kay Samodio, hinihintay pa rin ng CAB ang mga hinihinging dokumento mula sa Cebu Pacific para sa kanilang masusing imbestigasyon.

Nangangako naman aniya ang CAB na pananagutin ang Cebu Pacific sa oras na mapatunayan ang kanilang mga paglabag at tulungan ang mga pasaherong apektado ng pagkukulang ng naturang airline company.