-- Advertisements --
DOMINGO1
IMAGE | FDA director general Eric Domingo/Screengrab, DOH

MANILA – Nilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) na mahalaga ang presensya ng “certificate of analysis” (COA) bago simulan ang pagtuturok ng mga bakuna laban sa COVID-19.

Nitong Lunes kasi nang mag-anunsyo ang lokal na pamahalaan ng Taguig na pansamantala nilang ititigil ang pagbabakuna ng Sinovac vaccines, dahil hindi pa nila natatanggap ang COA nito.

“Ang bakuna kasi kapag minanufacture ‘yan, pagkatapos ilagay sa bote, yung manufacturing company kukuha ng sample at ina-analyze para makita kung tama yung amount ng halimbawa inactivated virus na laman, mga contents ay correct, at sterile na hindi makaka-cause ng bacterial infection,” ani FDA director general Eric Domingo sa panayam ng Teleradyo.’

“Ang bakuna hindi talaga pwedeng gamitin hangga’t hindi lumalabas ang COA to show na pasado siya.”

Pinagsabihan na raw ng FDA ang Department of Health na siguruhing may COA muna ang mga bakuna bago ipamahagi sa mga vaccination sites.

Ayon sa DOH, hindi tulad ng ibang vaccine brands na dumadating sa Pilipinas, inaabot ng hanggang tatlong araw bago naisusumite ng Sinovac ang COA ng kanilang bakuna.

Pero para kay Domingo, dapat kasabay ng delivery ng mga bakuna ang lahat ng kinakailangang dokumento bago ito iturok sa mga tao.

“Mas mabuting dini-deliver kapag kumpleto na ang test ng mga bakuna.”

Nitong Martes ng hapon binuksan na muli ng Taguig City ang pagbabakuna ng Sinovac vaccine, pero walang anunsyo ang lokal na pamahalaan kung nakatanggap na sila ng COA ng bakuna.