-- Advertisements --

Inanunsiyo ng Civil Service Commission na maaari nang makuha ang authenticated copy ng Certification of Eligibility ng mga Civil service eligible sa alinmang 16 regional offices ng naturang ahensiya sa buong bansa.

Ayon kay Civil Service Commission Chairman Karlo Nograles ang bagong proseso na ito ay bahagi nang pagpapatupad nila ng Internal Civil Service Eligibility Verification System (iCSEVS), base na rin sa itinatakda ng CSC Resolution No. 2200677, na naaprubahang nito lamang December 16, 2022.

Paglilinaw naman ni Nograles, tanging ang mga Regional Office lamang ng CSC ang maaaring tumanggap at mag-proseso ng request para sa authenticated COE copies at hindi kasama ang ilang Field Offices.

Habang ang CSC Central Office naman ay tatanggap lamang ng requests for civil service eligibility na hinihingi ng alinmang korte at iba pang investigating bodies sa pamamagitan na rin ng isang “Subpoena Duces Tecum” at Order o ng written request ng CSC Executive Offices at Office for Legal Affairs ng Central Office nito.

Dagdag pa ni Nograles, patuloy ang ginagawang digitalization at streamlining efforts ng CSC upang maihatid nang mas mabilis at maayos ang kanilang frontline services sa mamamayang Pilipino.