Iniimbestigahan na ngayon ng Quezon City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) ang posibleng sanhi ng COVID-19 outbreak sa Religious of the Virgin Mary Convent sa Cubao kung saan 114 indibidwal ang nagpositibo sa virus.
Dahil dito massive contact tracing ang isinasagawa na ngayon para mapigilan ang pagkalat pa ng virus.
Batay sa report ng city health officials, wala ni isa sa mga madre na nagpositibo sa virus ang nabakunahan dahil kinansela ng mga ito ang kanilang iskedyul subalit ang kanilang mga staff ay fully vaccinated na.
Ayon kay CESU chief Dr. Rolando Cruz, batid na ng kaniyang team ang sitwasyon matapos maitala ang kaso sa surveillance data na iniulat ng isang testing laboratory.
Sinabi ni Dr. Cruz hindi ang CESU ang nag-swab sa mga ito dahil nagpa-test sila sa isang pribadong testing center.
Sa ngayon nagsasagawa na ng imbestigasyon ang CESU para mabatid kung ang mga nagpositibo sa nasabing kombento ay may close contact sa labas ng facility.
Ang RVM ay kasalukuyang nasa Special Concern Lockdown (SCL) simula noong September 14.
Samantala, isa pang kumbento sa siyudad ang Convent of the Holy Spirit nakapagtala ng 22 indibidwal na nagpositibo sa virus.
Ang nasabing kumbento ay mayroong 90 residente at kasalukuang iniimbestigahan na rin habang nasa Special Concern Lockdown.
Dahil dito inatasan ni Mayor Joy Belmonte ang CESU na magsagawa ng inventory sa lahat ng mga closed-setting facilities sa siyudad kabilang ang mga kumbento, nursing homes, homes for the aged, rehabilitation centers, shelters for streetchildren, halfway homes para sa mga victims of violence and abuse, hospices, correctional facilities at iba pa.
Pinarerebyu rin ni Mayor Belmonte ang ipinatutupad na health protocols sa nasabing mga caring facilities at sa iba pang mga high-risk institutions.
Inatasan din ng alkalde ang city architect at ang Department of the Building Official para magrekomenda ng mga paraan para sa gagawing retrofit sa mga buildings na maging resistant sa virus transmission.
Pina-alalahahan din ni Mayor Belmonte ang publiko lalo na ang mga administrators ng mga facilities na may confined and closed settings na striktong sundin ang minimum health protocols at agad ireport sa CESU o barangay kung may isa sa kanilang mga tauhan ang nakitaan ng simtomas ng Covid-19 ng sa gayon agad maagapan.
Sa kabilang dako, nasa ilalim ng Special Concern Lockdown Areas ang 51 na lugar sa lungsod dahil sa pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19.
Partikular na lugar lamang ang sakop ng SCLA at HINDI buong barangay.
Siniguro ng lokal na pamahalaan na mamamahagi ng food packs at essential kits para sa mga apektadong pamilya at sila ay sasailalim sa swab testing at mandatory 14-day quarantine.