Mariing dumipensa ang administrator ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) sa gagawing pagwasak sa halos 100 mga mamahaling sasakyan sa Port Irene sa Santa Ana, Cagayan.
Sinabi sa Bombo Radyo ni Atty. Raul Lambino, administrator ng CEZA, maaaring may manghinayang sa ilang sektor sa gagawing pagwasak nila sa mga luxury cars katulad ng Porsche, Mercedez Benz, Lamborghini Murcielago, Boxster, Carrera units, Hummers at iba pa, subalit makikinabang lamang daw ang mga smugglers kung ipapasubasta ang mga ito.
Ito rin daw ang nangyayari noon sa sistema ng pag-auction sa mga kinumpiskang second hand vehicles na right hand drive na napupunta rin sa mga taong iligal na nagpasok sa bansa.
Paliwanag pa ni Lambino, kung tutuusin ay kakarampot din ang naipapasok sa kaban ng bayan kung ipapasubasta ang mga mga luxury vehicles.
Aniya, liban sa bawal sa batas, mas malaki umano ang epekto nito sa car industry sa bansa bunsod ng usapin sa kompetisyon.
“Ipinagbabawal ang segunda manong sasakyan na ipasok dahil sa car industry sa bansa. Kailangang pangalagaan natin ‘yan at hindi puwede ang kumpetisyon sa car manufacturing lalo ‘yong pagpapasok ng mga second hand cars. Maliwanag ‘yan sa desisyon ng Supreme Court at Executive Order ng presidente,” ani Atty. Lambino sa Bombo Radyo.