Nawalan na ng kumpiyansa ang grupo ng Clergy for Good Governance sa Commission on Elections (COMELEC) na magiging malinis pa ang 2025 midterm elections o maski ang magiging halalan sa 2028.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo kay Fr. Robert Reyes, ngayong ash wednesday ay dapat magnilay umano si Comelec Chairman George Erwin Garcia at makinig sa panawagan na malinis at transparent na halalan sa darating na eleksyon.
Ani Reyes, kaya sila nagsagawa ng isang pagtitipon at misa sa harap mismo ng opisina ng Comelec ay para ipanawagan ang kanilang mga hinanaing para sa isang malinis na halalan ngayong taon.
Ipaparating aniya nila ang kanilang nga gustong sabihin kahit na hindi umano nakikinig ang Komisyon.
Ang tema naman ng kanilang pagtitipon at misa ay ‘Boto hindi Abo, Huwag abuhin ang Boto’ na ang ibig sabihin ay huwag sana aniya hayaan ng komisyon na mawalan ng saysay ang mga boto ng mamamayang Pilipino.
Mahalaga din aniya na may katotohanan, pagmamahal, at maayos at malinis na pamumuhay ang mga Pilipino kaya naman, tanong ng pari, malinis nga ba ang magaganap na eleksyon sa Mayo 12?
Sagot naman ni Reyes, hindi na aniya sila sigurado dahil sa marami umanong anomalya ang nakita ng CGG sa halalan noong huling eleksyon.
Marami na rin aniya ang lumalabas na pruweba na mayroong nagmamaniobra ng mga resulta ng eleksyon.
Dahil dito, mula noong nakaraang eleksyon hanggang ngayon, ay wala nang tiwala pa ang gruppo na nagsasabi o magsasabi ng totoo ang Comelec.
Aniya, very vulnerable ang sistema ng Comelec at dapat matiyak umano ng komisyon ang taong bayan na walang magiging interferences mula sa mga telecommunucations companies at iba pang platform.
Samantala, kasama naman sa naging pagtitipon ang CPA-IT Specialist at lawyer, Atty. Harold Respicio upang ipanawagan din sa komisyon na pakinggan ang kaniyang mga suhestiyon para sa mas katiwa-tiwala umanong resulta sa Mayo.