-- Advertisements --

Nilinaw ng tanggapan ni Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo na walang iniindorso na anumang produkto o serbisyo ang dating Pangulo.

Ginawa ng tanggapan ni Arroyo ang paglilinaw matapos maglipana sa social media ang mga larawan ng dating Pangulo na humihimuk sa publiko na tangkilin ang mga “survay simulator” at “join savings” na pawang mga wrong spelling.

Binigyang diin ng tanggapan ng dating Pangulo, hindi konektado sa anumang financial websites and advertisements si Arroyo.

Una rito, lumakas ang mga panawagan na ipasa na ng Senado ang AFASA o Anti-Financial Account Scamming Act dahil Mayo pa nang mapagtibay ito ng Kamara.

Sa ilalim ng House Bill 7393, mabigat na parusa ang ipapataw laban sa “large scale online scams” at may penalty na P1 million hanggang P5 million pesos.

Babala ng Kamara, ngayong holiday season, magiging talamak na naman ang panloloko ng mga cybercriminals lalo na sa mga online shopping.