Nakalutang pa rin sa hangin ang kapalaran ng pag-amiyenda sa Saligang Batas matapos na bigong aprubahan ng House constitutional amendments committee ang mga rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Sinabi ng chairman ng Komite na si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na walang katiyakan sa ngayon kung kailan mapagbobotohan ito dahil na rin sa malalimang diskusyon na kanilang ginagawa para rito.
Sa katunayan, ayaw niya ring madaliin ang pagtalakay sa mga mungkahi ng IATF para mabigyan nang sapat na panahon ang mga miyembro ng komite na mapag-aralan ang mga ito ng husto.
Sa pagdinig nitong araw, nasa ika-apat na pahina pa lamang sa mahigit 20 pahinang rekomendasyon ng IATF ang kanilang natalakay.
Ito ay patungkol lamang sa territory at anti-turncoatism at wala pa ang para naman sa termino ng mga opisyal, paghalal ng nga senador sa bawat rehiyon at hinggil sa Mandanas ruling.
Iginiit ng kongresista na ayaw nilang madaliin ang proseso gayong ito rin ang siyang naging issue dati nang idaan sa executive session ang pag-apruba sa naunang committee report na kalaunan ay binawi rin naman.