-- Advertisements --

Nanawagan si Philippine Olympic Committee (POC) Chairman Abraham Tolentino na magsagawa ng special election para sa mababakanteng pwesto ni POC President Ricky Vargas, isang araw matapos ang biglaang pagbaba nito sa puwesto.

Plano ni Tolentino na ilahad ang anunsyo sa gaganaping general assembly sa June 25.

Sa ilalim ng POC Bylaws Article 7 Section 6 – ang special election ay maaaring isagawa sa panawagan ng Chairman sa loob ng 30 araw matapos mabakante ang isang pwesto kung sakaling ang mga susunod na opisyal – 1st VP at 2nd VP – ay hindi kuwalipikado na maluklok kapalit sa pwesto.

Ang dalawang opisyal ay kinakailangan na may kakayanang gampanan at may kwalipikasyon para maging POC President.

Kasama rito ang kwalipikasyon na dapat sila ay may hawak na kasalukuyang pwesto bilang Presidente ng Olympic Sport-NSA.

Sa Article 7 Section 11, nasasaad na ang Presidente ng POC ay kinakailangan na may apat na taong experience bilang NSA President ng isang Olympic Sport sa araw ng eleksyon sa pagka-POC President, at kinakailangan na halal sila ng incumbent NSA Presidents na rumirepresent ng Olympic sport, karagdagan pa nito ay dapat silang aktibong miyembro ng POC General Assembly sa mahigit na dalawang magkakasunod na taon sa araw ng halalan.

Si 1st VP Jose Romasanta ay Vice President of Volleyball, samantalang si 2nd Vice President Antonio Tamayo ay President ng Soft Tennis, na hindi naman Olympic sport.

Samakatuwid, sa ilalim ng Article 7 Section 6, dahil hindi kwalipikado ang 1st VP at 2nd VP para maupo bilang POC President, ang Chairman ng POC ay obligadong magpatawag ng halalan para mapunuan ang bakanteng pwesto sa loob ng thirty (30) days na mag-resign ang pinuno.