Mag-i-inhibit si Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. sa pagdinig ng Quad Comm kung dadalo sa pagdinig si police Col. Hector Grijaldo, na muling inimbita sa isinasagawang imbestigasyon.
Ang pag-inhibit umano ni Abante, chairman ng House Committee on Human Rights, ay “reflects my belief that decency, honor, and integrity are non-negotiable.”
Inakusahan ni Grijaldo sina Abante at co-chairman ng Quad Comm na si Rep. Dan Fernandez ng Sta. Rosa, Laguna na pumilit sa kanya na tumestigo sa mga bagay na wala naman siyang alam.
Itinanggi naman ito ni Abante at Fernandez.
Nagpasalamat din si Abante sa mga nagpahayag ng suporta sa kanya.
Noong Huwebes, itinanggi ng dalawang abugado ni retired police Col. Royina Garma na pinilit ng dalawang co-chairman ng House Quad Comm si Grijaldo upang kumpimahin ang reward system sa Duterte drug war.
Inilabas ng mga abugado na sina Emerito Quilang at Rotciv Cumigad ang pinag-isang pahayag bilang tugon sa sinabi ni Grijaldo sa pagdinig ng Senado noong Oktobre 28 na pinilit siyang tumestigo sa mga bagay na wala itong alam.
Sina Quilang at Cumigad ay nagsilbing saksi ng ipatawag si Grijaldo para kausapin nina Fernandez at Abante.
Sa pagdinig ng Quad Comm noong Huwebes, isinapubliko ni Batangas Rep. Gerville Luistro ang naturang sulat ng mga abugado.
Hiniling ni lead committee chairman Rep. Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte Barbers sa committee secretariat na isama sa rekord ng komite ang pahayag ng mga abugado.
Sinabi ng mga abugado na ninais nilang lumabas upang tugunan ang sinabi ni Grijaldo na pinilit ito na magsalita.
Inilarawan din ng mga abugado sina Fernandez at Abante na propesyunal ang dalawa.
Nauna ng tumestigo sina Garma at retired police Col. Jovie Espenido kaugnay ng reward system sa Duterte drug war.
Ayon kay Espenido ang reward ay dumadan mula sa lebel ni Sen. Bong Go, na kilalang malapit kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang pondo umano para sa reward ay galing sa intelligence fund, at kita ng iligal na sugal gaya ng jueteng, Philippine offshore gambling operators at small-town lotteries (STL) ng Philippine Charity Sweepstakes Office.