Itinanggi ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman Jude Acidre ng Tingog Party-list ang mga alegasyon na sinadya ng Kamara de Representantes na pabagalin ang pag-usad ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa Senado.
Kinontra ni Acidre ang pahayag ni Sen. Cynthia Villar na pinatagal ng Kamara ang pagpapasa ng Articles of Impeachment, at ipinaliwanag niyang ang proseso ng impeachment sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay masusing pinag-aaralan at hindi maaaring madaliin.
Ipinunto niya na dapat batid ng mga senador na dating miyembro ng Kamara ang kumplikadong proseso ng impeachment.
Ayon kay Acidre, mas lalo sanang tumagal ang proseso kung idinaan pa ito sa karaniwang pagdinig ng House Committee on Justice.
Iginiit niya na ang malakas na suporta ng mga miyembro ng Kamara ang naging dahilan ng mabilis na pagsulong ng proseso, salungat sa mga paratang ng pagkaantala.
Ipinunto rin niya na ang buong proseso ng impeachment ay isinagawa nang malinaw at ayon sa Konstitusyon upang matiyak ang matibay na batayan ng kaso.
Ipinaalala ni Acidre sa mga senador na tungkulin na nila ngayon na agad umaksyon sa kaso ng impeachment, sa halip na kuwestyunin ang proseso ng Kamara.
Hinikayat niya ang Senado na ituon ang pansin sa merito ng kaso sa halip na makisangkot sa political rhetoric tungkol sa procedural matters na napagdesisyunan na.