Bumwelta si Antipolo City 2nd District Rep.Romeo Acop kay Senator Ronald “Bato” Dela Rosa at sinabihan ito na itigil na ang pagtatago sa palda ni Vice President Sara Duterte at harapin ang mga akusasyon laban sa kaniya bilang pinuno nuon ng Pambansang Pulisya kaugnay sa madugong war on drugs ng administrasyong Duterte.
Itinanggi ni Acop ang walang basehan na alegasyon ni Dela Rosa na umano’y ang testimonya ni dating Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog sa House Quad Committee ay bahagi ng “demolition job” kung saan target si Vice President at ang kaniyang mga kaalyado para sa 2028 elections.
Binigyang-diin ni Acop na walang demolition job bagkus mga lehitimong tanong ang kanilang tinanong na kailangan ng malinaw na sagot.
Ipinunto din ni Acop na walang political maneuvering ang nangyayari at binigyang-diin na mahalaga ang testimonya ni Mabilog sa isinasagawang imbestigasyon.
“Ang trabaho ng komite ay imbestigahan at gumawa ng batas para matigil ang mga krimen na ito. Wala kaming pakialam sa eleksyon ng 2028—ang mahalaga ay ang hustisya para sa mga biktima,” pahayag ni Acop.
Humarap si Mabilog sa Quad Committee at sinabing pinu-pwersa siyang magsabi ng maling akusasyon laban kina dating Senators Franklin Drilon at Mar Roxas na umano’y mga drug lords nuong kasagsagan ng kontrobersiyal na anti-drug campaign ng Duterte administration.
Sa pahayag ni Dela Rosa, inihayag nito na ang imbestigasyon ng Kamara ay maituturing na “fishing expedition.”
Sa panig naman ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., pinasinungalingan nito ang akusasyon ni Sen. Bato.
Aniya naka pokus ang imbestigasyon para matukoy ang katotohanan sa mga nangyaring krimen at papanagutin ang mga responsable.
Sinabi ni Abante bilang mga legislators, trabaho nila na makuha ang hustisya para sa mga biktima ng illegal drug operations at ilantad ang mga sindikatong nasa likod.
Hinamon ni Abante si Dela Rosa na tanggapin ang imbitasyon ng Quad Comm ng sa gayon mapakinggan ang kaniyang panig.