Pinagbibitiw sa puwesto ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza si Palawan Rep. Franz Alvarez bilang chairman ng House Committee on Legislative Franchises.
Ito ay matapos na maghain ng quo warranto petition ang Office of the Solicitor General (OSG) laban sa ABS-CBN dahil sa mga paglabag daw ng kompanya sa mga batas sa bansa.
Sa kanyang privilege speech sa plenaryo ng Kamara, binigyan diin ni Atienza na trabaho ni Alvarez bilang chairman ng komite na aksyunan ang mga nakabinbin na mga panukalang batas sa komite nito maliit man o malaki.
Hindi na raw sana hinayaan pa ni Alvarez na manghimasok si Solicitor General Jose Calida sa issue ng ABS-CBN dahil ang hindi pagkilos dito ay magbibigay lamang ng masamang mukha para sa kongreso.
Iginiit ng kongresista mula Maynila na mababalewala ang pagrespeto ng taumbayan sa Saligang Batas at sa Kongreso dahil sa naging aksyon ng OSG pati na rin ang hindi pag-aksyon ng komite ni Alvarez sa 11 panukalang nakahain para sa franchise renewal ng ABS-CBN.
Kaya naman umapela si Atienza kay Speaker Alan Peter Cayetano na talakayin na ang issue na ito nang agaran sa plenaryo ng Kamara.
Gayunman pagkatapos ng kanyang privilege speech ay kaagad ding nag-adjourn ang kanilang sesyon.
Una rito sa statement ng TV network, iginiit nito na walang basehan ang mga alegasyon ng Office of the Solicitor General.
“Sumusunod ang ABS-CBN sa mga batas kaugnay ng aming prangkisa at aprubado ang operasyon namin ng mga kaukulang sangay ng gobyerno. Aprubado, may permiso ng gobyerno, at hindi labag sa franchise ang lahat ng mga serbisyo namin sa broadcast, kasama na ang KBO. Masusing sinuri at inaprubahan ng Securities and Exchange Commission at Philippine Stock Exchange ang Philippine Deposit Receipts o PDRs ng ABS-CBN Holdings bago ito inialok sa publiko.”