-- Advertisements --

LAOAG CITY – Hindi pa makakapagbigay ng komento si Sen. Sherwin Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Education hinggil sa pagkamatay ng dalawang estudyante sa Signal Village National High School sa Taguig City.

Ayon kay Gatchalian, ang insidente ay iniimbestigahan pa ng Philippine National Police at hihintayin pa ang magiging resulta nito para malaman kung ano ang dahilan ng mga ito.

Ganunpaman, sinabi ni Gatchalian na tinitignan nila ang anggulo na posibleng may kinalaman sa mental health ang nangyari sa mga estudyante.

Inihayag pa nito na maigi nitong minomonitor ang paggulong ng imbestigasyon para hindi na maulit ang insidente.

Ipinunto nito na ang mental health ay totoong problema at hindi imahinasyon lamang kung kaya’t naniniwala na higit na kailangan ngayon ang paglaban sa mental health crisis sa mga paaralan kung saan naaprobahan na sa Senado ang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Senate Bill No. 2200) sa ikatlo at huling pagbasa noong nakaraang buwan ng Setyembre.

Una nang nakiusap ang Senador sa publiko na iwasan ang pagbabahagi ng hindi beripikadong impomasyon hinggil sa insidente.

Samantala, ipinaabot ni Sen. Gatchalian ang kanyang pakikiramay sa pamilya ng naturang dalawang estudyante.