-- Advertisements --
STEPHEN CURRY KERR
Coach Steve Kerr and Warriors star Stephen Curry (photo from @warriors)

Binigyang kredito ni Golden State Warriors head coach Steve Kerr na ang matinding depensa pa rin ang naging susi ng kanilang panalo sa Game 2 laban sa Toronto Raptors.

Tinawag ni Kerr na championship defense ang nagpadiskarel sa diskarte ng karibal na team upang masungkit ang 109-104 win para magtabla ang serye sa 1-1.

Inihalimbawa pa nito na umabot lamang sa 37 porsyento ang naipasok na tira ng Raptors, habang umabot naman sa 15 ang mga turnovers.

Liban dito, mistula rin aniyang pader ang ginawa nilang pagharang sa 3-point area na siyang naglimita sa Toronto.

“It was all about our defense and we held them to 37 percent and forced 15 turnovers and guarded the 3-point line well,” paliwanag pa ni coach Kerr. “So it was championship defense and that’s what it’s going to take.”

Sa Huwebes sa Game 3, mas marami pa umanong championship defense ang ilalatag ng Golden State upang matiyak ang pagkuha nila sa panibagong korona.

Aminado naman si Raptors head coach Nick Nurse na pag-aaralan niyang mabuti sa video kung paano matatakasan ang mala-linta na pagkapit sa depensa ng Warriors.

Aniya, kung nais daw ng Raptors na magkampeon, kailangan nila ngayon na masungkit ang kahit isang panalo sa teritoryo ng Warriors.

Raptors Kawhi Leonard green curry
Raptors star Kawhi Leonard (photo from @Rators)