Bagama’t kilalang beterana sa mundo ng show business, ikinagulat umano ni Charo Santos ang paggawad sa kanya bilang Best Actress sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong taon.
Nabatid na no show sa Gabi Ng Parangal nitong December 27 si Charo dahil nasa ospital upang alagaan ang kanyang asawa na si Cesar Concio matapos sumailalim sa isang medical procedure.
Nagwagi si Charo para sa pagganap niya sa “Yolanda” themed MMFF entry na “Kun Maupay Man It Panahon” (Whether The Weather is Fine).
“To MMFF, this is a very pleasant surprise in a challenging year where I have been in a roller coaster of emotions,” saad nito sa kanyang Instagram post.
Hangad daw nito na magsilbing inspirasyon ang kanilang pelikula sa mga kababayan na naapektuhan ng Bagyong Odette.
Binati rin naman niya ang co-stars na sina Daniel Padilla at Rans Rifol na nakuha ang special jury prize at ang Best Supporting Actress award.
Kabilang pa sa nasungkit na parangal ng nabanggit na pelikula ay ang pagiging second Best Picture, Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Award, Best Production Design, at Best Visual Effects.
Una rito, big winner ang black comedy film na “Big Night” matapos hakutin ang major categories kabilang ang Best Picture, Best Director para kay Jun Lana, Best Actor kay Christian Bables, at Best Supporting Actor ang multi awarded artist na si John Arcilla na hindi rin nakadalo sa seremonya.
Sa kanila rin iginawad ang Best Screenplay, Best Cinematography, Best Musical Score, at Gender Sensitivity award.
May “touch” of socio-political din ang “Big Night” na patungkol sa isang bading na beautician na inakusahan na nagtutulak ng iligal na droga.
Sa huling bahagi ng acceptance speech ni Bables, may hugot ito na alay niya ang pagiging best actor sa mga nabiktima ng extra judicial killings na wala umanong boses para ilaban ang kanilang karapatan.
Kabilang pa sa mga nagwagi ay ang Korean remake ng “A Hard Day” kung saan bida si Dingdong Dantes bilang third best picture, at Best Float para sa horror entry ni Kim Chiu na “Huwag Kang Lalabas.”
Hanggang sa January 8, 2022 mapapanood ang walong official entries ng MMFF sa mga sinehan, taliwas noong nakaraang taon na nakanood lamang sa pamamagitan ng online.
Una nang naiulat na inaasahang mapapalitan ng sigla, ang pagiging matumal na unang araw ng MMFF nitong Pasko kasunod ng Gabi Ng Parangal.