-- Advertisements --

Maaaring gamiting ebidensya sa mga kasong kriminal ang mga chat log at video at hindi ito maituturing na paglabag sa right to privacy ng isang akusado, ayon sa Korte Suprema.

Sa Desisyon na isinulat ni Associate Justice Mario V. Lopez, napatunayang guilty ng Second Division ng Korte Suprema sa kasong qualified trafficking in persons sa ilalim ng Anti-Trafficking of Persons Act si Eul Vincent O. Rodriguez, gamit ang Facebook at ibang online platform. Sinentensyahan siya ng life imprisonment at pinatawan ng multang nagkakahalaga ng PHP 2 milyon.

Taong 2014 nang mahuli si Rodriguez sa isang entrapment operation ng Anti-Human Trafficking Task Force ng Region 7 matapos alukin ang 14-anyos na si AAA sa hotel para gumawa ng live na hubo’t hubad na palabas.

Sinimulang imbistigahan ng Task Force si Rodriguez noong 2013 matapos makakuha ng tip mula sa United States Immigration and Customs Enforcement. Gamit ng isang decoy account, nakipag-ugnayan ang isang pulis kay Rodriguez sa iba’t ibang online na platform na may record ng kanilang mga ugnayan.

Sa pagpatibay sa hatol kay Rodriguez, sinabi ng Korte na ang mga bidyo at recording ng mga chat logs ni Rodriguez at ng pulis ay maaaring tanggapin bilang ebidensya.

Tinanggihan ng Korte ang mga argumento ni Rodriguez na inadmissible ang nasabing ebidensya dahil sa paglabag sa kanyang privacy rights. Ang Republic Act No. 10173, o Data Privacy Act of 2012, ay nagpapahintulot sa pagproseso ng sensitibong personal na impormasyon upang matukoy ang kriminal na pananagutan ng isang tao at upang protektahan ang mga karapatan at interes ng mga tao sa paglilitis sa korte.

Paliwanag pa ng Korte, walang paglabag sa right to privacy dahil ang mga chat log at bidyo ay isinumite bilang ebidensya para masuri ang kanyang criminal liability para sa qualified trafficking.

Iginiit ng Korte na ang mga nakalap na ebidensya ay iprinisinta para ipakita ang paraan ni Rodriguez ng pakikipag-ugnayan sa mga dayuhan sa pamamagitan ng Skype o Facebook at pag-aalok ng mga menor de edad para sa sekswal na pananamantala.