VIGAN CITY – Inilatag ng Singson patriach ang kaniyang natatanging kondisyon para sa kaniyang anak na kasalukuyang gobernador ng Ilocos Sur upang maayos ang away-pulitika nilang mag-ama at mabuong muli ang kanilang pamilya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay League of Municipalities of the Philippines-Narvacan Mayor Luis “Chavit” Singson, sinabi nito na ang kaniyang kondisyon para sa kaniyang anak na si Ilocos Sur Gov. Ryan Luis Singson ay ang hindi pagtakbo at pagpapaubaya ni incumbent 1st District Rep. Deogracias Victor Savellano upang mabigyan ng pagkakataon ang kapatid nitong si dating Rep. Ronald Singson na magsilbi sa unang distrito ng Ilocos Sur.
Ayon sa nakatatandang Singson, kung hindi na itutuloy ni Savellano ang kaniyang pagtakbo para sa halalan sa susunod na taon, magwi-withdraw na rin ito sa pagtakbong bise gobernador at ipapaubaya na lamang kay Gov. Singson ang nasabing posisyon.
Ngunit mananatiling si incumbent Vice Governor Jerry Singson ang tatakbong gobernador ng lalawigan para sa susunod na halalan.
Kung ipipilit umano ng grupo nina Gov. Singson ang kanilang line-up at itutuloy ni Savellano ang pagtakbo, mapipilitan umano si Chavit na gamitin ang lahat ng kaniyang political resources upang manalo sa halalan at hindi mapahiya sa mga tao.
Maaalalang naging mainit na usapin sa lalawigan ang paghaharap ng mag-amang Singson dahil naghain ang mga ito ng kandidatura para sa pagka-bise gobernador noong Oktubre 1.