Tiniyak ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na lalo pa nilang hihigpitan ang mga gagawing checkpoint at quarantine operations kasunod ng isyu na may mga processed meat products na nagpositibo sa African swine fever (ASF).
Sa statement ni Año, sinabi nito na dapat lahat ng requirements at conditions ay nasusunod ng mga processed meat companies lalo na ang pag-transport at pagbebenta ng mga ito.
Binigyang-diin ng kalihim na mananatili ang inilabas na memo circular na inilabas ng DILG na nagtatakda ng mga panuntunan sa mga processed meat products.
Una nang iniulat ng Department of Agriculture na ilang mga produkto ng isang kilalang brand ng processed meat ay nagpositibo sa ASF.
Nakatakda namang makikipagpulong si Sec. Año kay Agriculture Secretary William Dar upang pag-usapan ang mga nakalap nilang datos gayundin kung ano ang kanilang assessment matapos mabatid na ilang processed meat products ay apektado ng ASF.
Pabor din si Año na i-ban ang mga produktong bumagsak sa pagsusuri ng Bureau of Animal Industry at nagpositibo sa ASF.
“We will be stricter on checkpoints and quarantine operations to ensure that all requirements and conditions are met on movement transport and selling of processed meat products,” wika pa ni Sec. Año.