Lalo pang hinigpitan ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang seguridad sa buong bansa sa pagsisimula ng 150 day election period epektibo ngayong araw.
Sa inilabas na memorandum ni PNP Chief Oscar Albayalde, inatasan nito ang lahat ng kaniyang mga field commanders na istriktong ipatupad ang kani-kanilang checkpoints operations.
Layon nito na mahuli ang mga kriminal na nagbibitbit ng mga loose firearms, improvised explosive device, at iba pang mga armas.
Epektibo na rin ang gun ban ng Commission on Elections (COMELEC) na magtatapos sa June 12, 2019.
Sa checkpoint, ipapatupad ng mga pulis at militar ang plain view inspection kaya mas mainam na buksan na ng mga motorista ang kanilang mga sasakyan.
Maging ang mga licensed gun owners ay bawal ding magbitbit ng armas maliban na lamang kung binigyan sila ng COMELEC exemption.
Ayon kay Albayalde, exempted sa gun ban ang mga pulis na naka-uniporme at naka-duty kabilang ang mga sundalo, Philippine Coast Guard, National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), iba pang mga law enforcement agencies gayundin ang mga private security agencies.
Hinggil naman sa mga politiko na may banta sa kanilang buhay, maaaring mag-apply ang mga ito ng security escorts sa PNP Police Security and Protection Group.
Binuhay na rin ng PNP ang Regional and Provincial Election Monitoring and Action Centers sa buong bansa na siyang magmo-monitor sa iba’t ibang aktibidad kasama na ang mga significant accomplishments na may kaugnayas sa 2019 midterm elections.
Samantala, nasa 18 lugar ang tinukoy ng PNP na election hot spots para sa nalalapit na plebisito ng Bangsamoro Organic Law (BOL) at Midterm Elections.
Karamihan sa mga lugar na tinututukan ng PNP at Armed Forces of the Philippines ay mula sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, Maguindanao, Lanao del Sur.