Kasunod ng mga pangamba na idinulog ng ilang mga sektor, inihayag ng Commission on Higher Education (CHED) na bukas ito sa anumang imbestigasyon sa umano’y pagtaas ng bilang ng mga Chinese student sa Cagayan.
Nilinaw naman ng CHED na maliban St. Paul University-Tuguegarao, walang Chinese students ang naka-enroll sa ibang public colleges at universities dahil ang naturang unibersidad lamang ang may awtoridad na tumanggap ng international students.
Paliwanag ng ahensiya na nai-engganyong mag-aral sa bansa ang mga dayuhang estudyante dahil sa abot kayang dekalidad na edukasyon at English instructional medium na iniaalok ng paaralan sa bansa.
Una rito, hinimok ni Cagayan 3rd District Representative Joseph “Jojo” Lara ang Kamara na magsagawa ng inquiry sa naturang isyu dahil naglalagay umano sa panganib sa seguridad ng bansa ang presensiya ng Chinese students sa gitna ng agresyon ng kanilang bansa sa WPS.
Nakatanggap din umano ang mambabatas ng reports mula sa kaniyang mga kasamahan na mayroong 4,600 Chinese students sa iisang pribadong unibersidad lamang.