Mariing pinabulaanan ni Commission on Higher Education Chairperson Popoy de Vera ang mga ibinabatong paratang sa kaniya ng isang suspendidong opisyal ng komisyon na si CHED Commissioner Aldrin Darilag.
Ginawa ni De Vera ang pahayag matapos itong sampahan ng reklamo sa Ombudsman ng suspendidong opisyal.
Kabilang sa mga reklamong inihain laban sa CHED Commissioner ay ang paglabag sa Graft and Corruption at Grave Abuse of Authority.
Pinaratangan ni Darilag si De Vera na binigyan nito ng pabor ang ASPEN na isang supplier para makakuha ng kontrata sa naturang komisyon.
Bilang tugon ay sinabi ni De Vera na wala siyang kontrol o posisyon para magawang manipulatin ang mga procurement sa ahensya.
Ito aniya ay bahagi ng Bids and Awards Committee ng CHED.
Iginiit pa nito na ang anumang isyu hinggil sa paglabag sa bidding procedures ay dapat na ilapit sa CHED Commission En Banc o ng Board of Regents ng SUCs para maresolba ito.
Nilinaw rin nito ang dahilan ng pagkakasuspinde ni Darilag sa loob ng 90 days ay nagmula sa direktiba ng Office of the President na siya namang inisyu ng Executive Secretary.
Bukod dito ay naglabas na rin ng kautusan ang OP sa CHED na bumuo ng fact finding committee na tututok sa alegasyon laban kay Darilag.