Isang suspended official ng Commission on Higher Education (CHED) ang naghain sa Office of the Ombudsman ng graft and corruption at grave abuse of authority charges laban kay CHED Chairman Prospero “Popy” De Vera.
Sa 5 pahinang complaint-affidavit ni CHED Commissioner Aldrin Darilag , inakusahan nito si De Vera ng pagpabor sa isang supplier.
Sinabi ni Darilag na mismong siya ay inutusan ni De Vera na suportahan ang ASPEN kahit hindi naman ito qualified bilang supplier.
Inakusahan din ni Darilag ng grave abuse of authority, harassment at oppression ang hepe ng CHED makaraang hindi siya nito bigyan ng due process nang mapatawan siya ng 90 araw preventive suspension ng Office of the President.
Ni hindi aniya siya binigyan ng CHED chairman ng kopya ng complaint at hindi siya binigyan ng pagkakataon na makapaghain ng counter-affidavit.
Nag-utos din aniya si De Vera na huwag siyang papasukin sa CHED premises para sana makuha niya ang kanyang laptop at mga personal na kagamitan.
Maging ang kanyang mga staff aniya ay pinagdududahan din at pinadadaan sa matinding inspeksyon sa tuwing pumapasok sa naturang tanggapan.
Inakusahan din aniya ni De Vera na nagsusumbong kay Samar Rep. Raul Daza ng mga maling gawain nito sa ginanap na budget hearings sa Congress.