-- Advertisements --

ROXAS CITY – Mariing kinundena ng chairman ng Commission on Higher Education (CHED) ang naglabasang reports mula sa mga student groups na sinisisi ang management at mga guro ng Capiz State University (CAPSU) sa pagkamatay ng isa nilang estudyante na si Cristelyn May Villance, 2nd year criminology student ng CAPSU Dumarao campus noong May 14, 2020.

Batay sa ipinalabas na official statement ni Prospero E. De Vera III na ginamit lamang ng mga student groups katulad ng Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK), Anakbayan UP Diliman at National Union of Students of the Philippines (NUSP) ang nasabing issue para maipahayag ang kanilang oposisyon laban sa ‘’flexible learning’’ kung saan iniugnay nila ang insedente sa paniniwalang insensitibo ang CHED sa mga request ng mga estudyante.

Ayon kay de Vera na pilit na pinapalabas ng nasabing mga grupo na naghahanap ng internet connection ang biktima para maisumite ang requirements sa kanyang subjects ng hindi inaasahan na maaksidente ang sinasakyang motorsiklo.

Naniniwala rin ang grupo na hindi mangyayari ang aksidente na hahantong sa kamatayan ni Villance kung hindi ito lumabas ng bahay para humanap ng internet connection.

Nanawagan ang komisyon sa grupong SPARK, Anakbayan UP Diliman, NUSP at iba pang grupo na tigilan na ang paggamit sa isyu bilang propaganda sa kanilang political agenda.