-- Advertisements --

Nakikipagtulungan na umano ang Commission on Higher Education (CHED) sa Department of Health kaugnay sa pagbalangkas ng mga panuntunan para sa “limitadong” face-to-face classes sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ).

Sa isang virtual briefing, sinabi ni CHED Chairman Prospero de Vera, target ng dalawang ahensya na ipresinta sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang guidelines sa katapusan ng buwang kasalukuyan.

Personal ding bibisitahin ni De Vera ang mga higher education institutions na magre-redesign ng kanilang mga silid-aralan at iba pang mga pasilidad sang-ayon sa mga health protocols at guidelines.

Dito aniya ay pag-aaralan ng komisyon kung posible ang limited face-to-face sa mga MGCQ areas na itinuturing na low-risk, o walang naitatalang kaso ng COVID-19 sa nakalipas na 28 araw.

“The guidelines would be detailed guidelines on spacing of seats, what to do in the cafeteria, protocols for students and faculty coming in, what happens if someone is sick,” wika ni De Vera.

Paglalahad pa ng opisyal, isa ang limited face-to-face classes sa mga bahagi ng flexible learning, na isinusulong naman ng CHED na gawin ng mga higher educational institutions sa buong bansa.

Ang flexible learning ay gumagamit din ng online platforms at mga take-home na aktibidad.

Ani De Vera, sa ilang mga lugar sa bansa makikita ang kombinasyon ng online at pisikal na klase, pero depende pa rin ito sa health situation doon.

Pero binigyang-diin din ng opisyal, dapat munang sumunod sa health protocols at guidelines ng CHED ang mga kolehiyo at unibersidad sa mga MGCQ areas.

Dapat din munang kumonsulta ang mga ito sa local government units bago magsagawa ng limited face-to-face classes.

“Our regional offices will help monitor what is happening on the ground,” anang opisyal.

Una nang sinabi ng pinuno ng CHED na pinag-aaralan ng komisyon ang posibilidad ng pagpapahintuloy sa mga pisikal na klase sa mga lugar na walang kaso ng COVID-19.

Paulit-ulit na ring binanggit ng Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nito papayagan ang face-to-face classes hangga’t walang available na bakuna laban sa kinatatakutang sakit.