Nakatakda umanong bumuo ang gobyerno ng isang technical working group bilang paghahanda para sa pagbabalik ng training sa collegiate sports sa buong bansa.
Sa isang press briefing, sinabi ni Commission on Higher Education (CHED) chairman Prospero de Vera, makakatuwang nila sa pagbuo ng technical working group ang Philippine Sports Commission (PSC), Department of Health (DOH), at mga kinatawan ng collegiate league upang bumalangkas ng guidelines para sa muling pagpapatuloy ng training ng mga atleta sa college level.
Ayon pa kay De Vera, target nila na maplantsa ang guidelines sa loob ng tatlong linggo para masimulan na rin ng mga college athletes ang training sa gitna ng COVID-19 pandemic.
“What we are organizing is the TWG first. Once the TWG is organized, we will target a working timeline of about two weeks and maybe a maximum of three weeks,” wika ni De Vera.
Inaasahan din ng CHED na makikibahagi sa disusyon ang mga top collegiate league sa bansa sa loob ng dalawang linggo.
“You have to be a little patient with the timeline because there are two major challenges that we have to face. No. 1 is there are many leagues all over the country so we have to cascade and get them involved. No. 2 is there are different sports being played in all the leagues, maybe sports-specific things that we have to resolved as they prepare for training. Those are the things that we have to consider when we craft the guidelines,” ani De Vera.
Una rito, sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na papayagan na ang mga collegiate athletes na magsanay sa mga lugar na nasa ilalim ng eneral community quarantine (GCQ) at modified GCQ.
Pero nilinaw ni De Vera na hindi pa maaaring magsimula ang mga training hangga’t hindi pa nakukumpleto ang guidelines.