-- Advertisements --

Hinimok ang Commission on Higher Education (CHED) na magpatupad ng moratorium sa pagtaas ng tuition fees sa mga paaralan.

Ito ang panawagan ng mga estudyante mula sa mga pribadong unibersidad kung saan daing ng mga ito na makakapaglala lang ito sa pasanin ng mgaa pamilya sa gitna ng pagsipa ng mga presyo ng mga pangunahing bilihin.

Kaugnay nito nagsumite ang iba’t ibang mga grupo ng kanilang position papers sa CHED kung saan idinaing ng mga ito ang mas mataas na tuition sa academic year 2025-2026.

Ipinunto ng National Union of Students of the Philippines (NUSP) at Kabataan party list sa kanilang anim na pahinang position paper na bunsod ng napakalimitadong scholarships na ibinibigay sa mga estudyante, marami ang napilitang magpart-time job para matustusan ang kanilang pag-aaral.

Anila, ang panukalang taas sa tution fee ay isang pasaning pinansiyal sa mga estudynate at kanilang pamilya. Ito aniya ay paglabag ng constitutional provision na nagsasaad na ang bawat mamamayan ay may karapatan sa edukasyon at ang fee increase ay taliwas sa naturang mandato.