Ilang mga kolehiyo at unibersidad na umano ang nag-abiso sa Commission on Higher Education (CHED) na magsasara na raw ang mga ito dahil sa kakulangan ng enrolees.
Sa pulong kay Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni CHED chairman Prospero De Vera na marami raw mga magulang ang nangangamba para sa kaligtasan ng kanilang mga anak sa harap ng coronavirus pandemic.
“Meron na pong ilang eskwelahan na nagsabi sa CHED na magsasara sila dahil yung enrollment po ay talagang bumaba, natatakot ang mga magulang at estudyante at mayroon na pong ilang nag-report sa CHED,” wika ni De Vera.
“Ang problema po, wala kaming policy sa pagsara kasi itong COVID ay hindi pa nangyari sa matagal na panahon, so we’re only crafting it,” dagdag nito.
Mayroon din aniyang mga pribandong paaralan at mga local governments ang nalilito tungkol sa pagtuturo sa mga lugar na walang internet connection.
“Pero humihingi ho ko ng guidance ‘yung mga private schools, in particular, atsaka local governments kasi hindi ho nila alam ang gagawin lalo sa mga area na wala talagang internet connection,” ani De Vera.
Una rito, sinabi ni De Vera na hihilingin daw nila sa mga kolehiyo at pamantasan na isagawa na lamang sa second semester ang mga course na nangangailangan ng pisikal na interaction, gaya ng laboratory, OJT at internship.