Ipinagmalaki ng Commission on Higher Education (CHED) na handa na ang mga kolehiyo at unibersidad sa buong Pilipinas para sa pagbubukas ng klase sa buwan ng Agosto.
Nakatakdang ipatupad ng CHED ang “flexible learning” sa darating na pasukan dulot pa rin ng kinakaharap na krisis ng bansa dulot ng coronavirus pandemic.
Sa isang virtual briefing, sinabi ni CHED Chairman Prospero de Vera na kung tutuusin, hindi na raw bago ang ipatutupad na “flexible learning” ngayong taon.
“We are ready to open [classes] this August. No ifs, no buts. Learning must continue. We learn as one, we are ready,” wika ni De Vera.
“We are ready because our top universities have been doing flexible learning even before COVID. The other universities have shifted to flexible learning during the quarantine and are moving ahead for the opening of classes,” dagdag nito.
Ayon pa kay De Vera, may kalayaan ang mga kolehiyo at unibersidad na piliin kung anong mode o paraan ng pagtuturo ang magiging mas epektibo para sa kanila.
Paliwanag pa ng opisyal, ang ilan sa kanila ay gagamit ng pure online, ang iba ay pure modular, habang ang ilan ay kombinasyon ng dalawa.
Nitong nakalipas na Huwebes nang mag-alok ang anim na mga unibersidad sa mga faculty members sa buong bansa ng libreng training tungkol sa pagsasagawa ng “flexible learning.”
Bagama’t ikinatuwa ni De Vera ang hakbang na ito ng ilang mga pamantasan, aminado ang opisyal na nababahala ito kung makakaya ba ng mga maliliit na unibersidad sa mga liblib na lugar na maghanda rin para sa pasukan.
Kaya naman, hinimok ni De Vera ang ibang mga pamantasan na tulungan ang mga mas maliliit na institusyon na walang kapasidad para sanayin ang kanilang mga faculty members.
“Walang katapusan itong capacity-building. We will only be able to address COVID-19 only if we altogether educate and learn as one. I call on the other leading HEIs with expertise in flexible learning to join us in this Bayanihan initiative to help other HEIs,” ani De Vera.
Samantala, sa isyu naman ng limited face-to-face classes sa mga low-risk areas, inihayag ni De Vera na patuloy pang pinag-aaralan ng komisyon ang naturang posibilidad.