Gagamit na umano ng “flexible learning methods” ang mga higher educational institutions (HEI) sa bansa na sisimulan ang kanilang mga klase sa buwan ng Agosto.
Paliwanag ni Commission on Higher Education (CHED) chairman Prospero de Vera, sa ilalim ng nasabing sistema, isasalang ang mga uri ng klase depende sa kakayahan ng mga guro at mag-aaral, partikular kung may access ba o wala ang mga ito sa teknolohiya.
Ayon kay De Vera, para sa mga mayroong access sa internet ay maaaring gawing online ang klase, ngunit kung limitado o walang internet access ang estudyante, maaaring magbigay ng mga take home materials, homework, at lecture sa pamamagitan ng university radios.
Bunsod ng ipinatupad na enhanced community quarantine sa ilang mga lugar sa bansa, napilitan ang ilang unibersidad at paaralan na magsagawa ng online classes para mahakabol sa pag-aaral lalo pa’t may banta ng coronavirus.
Ilang mga unibersidad na rin ang nagsagawa ng “mass promotion” o pagpapasa ng kanilang mga estudyante sa natitirang bahagi ng academic year.
Samantala, sinabi ni De Vera na may ilan pang mga unibersidad ang posibleng magbukas ng klase sa Setyembre, o mas matagal pa depende sa sitwasyon.
Anang opisyal, hindi naman daw ito problema sapagkat hindi naman saklaw ng academic calendar na minamandato ng Republic Act 7977 ang mga kolehiyo at mga unibersidad.