Hinimok ng Commission on Higher Education (CHED) ang publiko na i-verify ang mga link na ibinabahagi ng mga indibidwal o grupo na nagsasabing tumulong sila sa pag-aaplay para sa Tertiary Education Subsidy-Tulong DunOng Program.
Ayon sa ahensya, ang nasabing education subsidy ay ipinatutupad ng CHED-UniFAST sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (RA 10931).
Sinabi ng ahensya na huwag maniwala at huwag pindutin agad ang mga links na nakikita sa iba’t-ibang online platform.
Para sa seguridad at proteksyon, pinaalalahanan din ng CHED ang publiko na huwag kailanman magbunyag ng personal na impormasyon sa sinuman maliban kung na-verify ang pagiging lehitimo ng social media account o website.
Hinikayat ng CHED ang publiko na sundan at bisitahin ang opisyal na website at mga account ng CHED-UniFAST at ng mga Regional Office nito para sa mga opisyal na update ukol sa naturang educational assistance.