-- Advertisements --

Nagbabala ang Commission on Higher Education (CHED) sa publiko laban sa pekeng cash aid announcements.

Ayon kay CHED Chairman Prospero de Vera, walang inaanunsiyo na anuman ang komisyon at UniFAST o Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education para sa pagsusumite ng Tertiary Education Subsidy applications para sa Academic Year 2024-2025.

Ginawa ng opisyal ang naturang pahayag matapos na kumalat online ang publicity materials na mayroon pang selyo ng CHED na nag-aanunsiyo na nananawagan umano ang komisyon para sa aplikasyon para sa P5,000 cash assistance para sa lahat ng graduating elementary, high school, senior high school at college students.

Kaugnay nito, hinimok ni De Vera ang publiko na huwag makipagtransaksiyon sa mga indibidwal at grupo na nagpapanggap na kinakatawan nila ang komisyon o UniFAST at tanging sa mga official websites at verified accounts lamang ng CHED sumangguni para sa anumang impormasyon o anunsiyo may kinalaman sa kanilang mga programa.