-- Advertisements --

Nagbabala ang Commission on Higher Education (CHEd) sa publiko laban sa mga indibidwal nasangkot sa fake solicitation scam kung saan lumilikom ang mga ito ng pera mula sa mga higher education institutions (HEIs) kapalit ng eligibility sa ilalim ng Tertiary Education Subsidy (TES) program.

Kasunod ito ng natanggap na complaint ng CHEd hinggil sa mga indibidwal na nagpapanggap bilang opisyal at personnel ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST), ang ahensiya na may hawak sa TES program, na nag-aalok sa mga eskwelahan ng isang kasunduan kapalit ang UniFAST accreditation para makakuha ng benepisyo mula sa Tertiary Education Subsidy.

Paliwanag ng komisyon na nagsasagawa umano ng ceremonial awarding ang naturang mga indibidwal ng UniFAST certificates of accreditation sa ibang miyembro ng eskwelahan na gumagamit ng unofficial letterhead ng UniFAST at logo ng walang pahintulot mula sa UniFAST.

Paalala naman ni CHEd at UniFAST Board Chairman Prospero De Vera sa publiko na maging mapanuri at dapat na dumaan sa fact-check partikular na kung may involve na pera at pangako ng paggarantiya ng TES slots para sa mga estudyante .

Pinunto din ni De Vera na ginagawa ang lahat ng transactions sa pamamgitan ng higher education institutions at CHEd offices at walang mga grupo o organization na otorisado ang nagpoproseso ng mga dokumento ng mga estudyante.

Nakikipagtulungan na ang UniFAST sa National Bureau of Investigation para imbestigahan ang naturang insidente.

Kasabay nito, nag-isyu ang CHEd ng scam alert ngayong papalapit na ang academic year 2021-2022 gayundin sa mga estudyante at mga magulang na naghahanap ng scholarship o financial aid para masuportahan ang edukasyon ng kanilang mga anak sa kolehiyo sa gitna ng COVID pandemic. (with reports from Bombo Everly Rico)